24

May 8, 2021 @ 14:36
By

Lakers taob sa Blazers, baba sa 7th place sa west

Umiskor si Damian Lillard ng 38 points tampok ang limang three-pointers upang pangunahan ang Portland Trailblazers sa 106-101 na panalo kontra sa nagdedepensang Los Angeles Lakers nitong Sabado (Philippine time).

Nag-ambag naman si CJ McCollum ng 21 puntos habang may 19 puntos naman si Normal Powell upang maging katuwang ni Lillard sa pagdispatsa sa Lakers, na nabigo sa ika-walong beses sa kanilang huling 10 laro.

Sumabak ang Lakers sa bakbakan wala si four-time MVP LeBron James, na kailangang ipahinga dahil sa kanyang ankle sprain. Si Anthony Davis ang siyang bumuhat sa Lakers sa kanyang 36 points at 12 rebounds ngunit ‘di ito naging sapat upang maiahon ang kanyang koponan sa isa na namang pagkabigo.

Dahil sa panalo, umangat ang kartada ng Blazers sa 38-29, pang-anim na puwesto sa Western Conference habang lumaglag naman ang Lakers sa ika-pitong puwesto sa nasabing kumperensya dahil sa kanilang 37-30 record.

May tig-limang laro na lamang ang dalawang koponan upang tangkaing makaiwas sa play-in tournament na lalahukan ng 7th hanggang 10th seeded teams matapos ang regular season.

Sa ibang mga laro, naisahan ng Philadelphia ang New Orleans, 109-107; sinuwag ng Chicago ang Boston, 121-99; pinaamo ng Miami ang Minnesota, 121-112; itinumba ng Charlotte ang Orlando, 122-112; ginupo ng Milwaukee ang Houston, 141-133; hiniya ng Dallas ang Cleveland, 110-90; pinabagsak ng Utah ang Denver, 127-120; minasaker ng Phoenix ang New York, 128-105; at pinulbos ng San Antonio ang Sacramento, 113-104.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?