194

Jan 29, 2020 @ 9:33
By

Lakers, Clippers nagpugay kay KB

Kinansela ng Lakers at Clippers ang dapat ay laro nila sa Staples Center ngayong araw.

Sentro ng pagluluksa ang arena sa biglaang pagkamatay ni Kobe Bryant, kasama ng anak na si Gianna, 13, at pitong iba pa sa nag-crash na helicopter sa Calabasas, California, Linggo ng umaga.

“In consultation with the NBA League office, the game scheduled between the Los Angeles Lakers and Los Angeles Clippers for Tuesday, January 28, will be postponed and scheduled for a future date,” anang abiso ng Lakers kahapon, Enero 28.

Anak ang turing ng LA kay Kobe kahit sa Philadelphia pinanganak, napunta ng France habang naglalaro doon ang ama, bago bumalik ng Philly.

Sa LA na siya lumaki, sa Staples Center nagbinata.

Edad 17 lang siya nang pumasok sa NBA noong 1996, direkta mula Lower Merion High sa Ardmore, Pennsylvania.

Hindi siya nagbago ng address, buong 20 seasons niya ay ginugol sa Lakers. Dito siya naging alamat, inihatid ang team sa limang kampeonato.

Sa sobrang bata ni Kobe noong unang sumampa sa NBA, kinailangan pa ng co-signatures ng kanyang magulang nang pumirma siya ng kontrata. Sinolo lang niya ang pirma noong mag-18 na.

Sobrang bata, kinailangan pang humingi ng permiso ang Lakers training staff sa kanyang ina para bigyan siya ng medication.

“A skinny kid who came to LA,” tawag ni Kobe sa sarili noon.

Sa plaza sa tapat ng Staples Center na naging tahanan niya ng dalawang dekada, umalingawngaw ang “Ko-be!” at “M-V-P!” chants nitong Lunes.

Daan-daang fans ang nagtipon para ipagluksa ang pagkamatay ng kanilang idolo.

Nagsindi ng kandila, nag-alay ng sulat-kamay na mensahe. Ang mga walang masulatan, sa semento na naglagay. Naipon ang mga bulaklak, iba may purple-and-gold balloons.

Dati ay sabay-sabay ang mga bata, matanda, lalaki at babae sa pagsigaw sa loob ng arena sa bawat laro ni Kobe.

Lunes, sabay-sabay din silang nagluksa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?