163
Lakers bigo sa Bucks, LeBron nabanas?
Mar 2, 2019 @ 16:11
By

Lakers bigo sa Bucks, LeBron nabanas?

Bago pa man ang final buzzer, dumiretso na pa-dugout ang tila balisang LeBron James sa pagkatalo ng Los Angeles Lakers kontra sa Milwaukee Bucks, 131-120.

14 seconds pa ang nalalabi, naglalakad na palabas ng court ang four-time NBA MVP, hindi na nakipagkamay sa katunggali.

31 points, 10 assists at pitong rebounds ang ginawa ni LeBron, ngunit kulang pa rin ito para makaalpas sa league-leading Bucks sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na kumolekta ng 16 points, 15 rebounds at anim na assists.

Dahil sa panalo ng Bucks, paniguradong pasok na sila sa playoffs hawak ang 48-14 na kartada, samantalang nanganganib naman ang Lakers na hindi makapasok sa postseason.

Bagsak ang Lakers sa 30-32 baraha, 3.5 games sa likod ng eight seed na San Antonio Spurs at posibleng ito ang unang beses na hindi makatungtong si James sa playoffs makalipas ang 14 taon.

Matatandaan na nagkaroon ng lamat ang relasyon ng LA-based team management sa kanilang manlalaro matapos ialay ang kalahati ng roster para sa New Orleans forward na si Anthony Davis bago matapos ang trade deadline ngunit hindi ito natuloy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?