140

Nov 27, 2021 @ 19:57
By

Lakas-CMD rumesbak kay Belgica

Nilinaw ng partidong Lakas-CMD na sinusuportahan pa rin nila ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos magpasaring si Butch Belgica ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) na may ilang kaalyado ang pangulo na nagsasanib-pwersa para pabagsakin ito.

“The Lakas-CMD and its partners in the UniTeam Alliance have made it clear: we are in full support of President Duterte and his administration,” saad sa statement ng partido ngayong Sabado.

Samantala, walang pinangalanan si Belgica sa mga sinasabi niyang nagpapabagsak kay Duterte ngunit inilarawan niya ang mga ito na ang isa umano ay tinulungan ng pangulo na mailibing nang maayos ang ama habang ang isa ay pinalaya sa panunungkulan ni Duterte.

Bukod dito, kamakailan lamang ay binuo ng Lakas-CMD, kasama ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ang alyansang pinangalanang UniTeam.

Ang PFP ay binabandera ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na tinulungan ni Duterte na mailibing ang yumaong ama sa Libingan ng mga Bayani.

Habang ang PMP ay pinangungunahan ni dating senador Jinggoy Estrada, na pinayagang magpiyansa sa kasong plunder noong 2017, na panahon na ni Duterte.

“Mr. Butch Belgica of PDDS equates years of public service by former Presidents as greed for power. He might be speaking based on his own experience. Baka iyon lang po kasi ang nagtutulak kay Mr. Belgica para pumasok sa gobyerno, greed,” saad pa ng Lakas-CMD.

“Mr. Belgica should stop sowing intrigues that divide forces loyal to the President. Itigil na po niya ang maruming pulitika,” dagdag pa nito.

Ang PDDS na pinamumunuan ni Belgica ay ang partidong sinalihan nina Duterte at Senador Bong Go para sa 2022 elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?