57

By

Lahat ng kandidato isalang sa debate – Siquijor Rep. Rocamora

Isinusulong sa Kamara na obligahin ang lahat ng kandidato sa national at local elections na sumabak sa debate.

Sa House Bill 8549 ni Siquijor Rep. Rav Rocamora, inaatasan ang Commission on Elections na mag-organisa ng public debate para sa mga kandidato.

Ang hindi pagdalo dito ng kandidato ay ituturing na election offense at magiging basehan ng diskuwalipikasyon sa eleksiyon.

Katuwiran ni Rocamora, mahalaga ang public debate para makilalang mabuti ng mga botante ang mga kandidato.

Mas mabibigyan aniya ng pagkakataon ang publiko na malaman at matimbang ang plano at agenda ng bawat kandidato para dito pa lamang ay makita na kung anong uri ng liderato ang maibibigay nito.

“The right of the people to be officially informed of the qualifications of a candidate to allow them to make the proper choice is important. Making refusal to participate a ground for disqualification and an election offense ensures that candidates will take the voters seriously,” sabi ni Rocamora.

Naniniwala ang kongresista na kung mapagtitibay ang kanyang panukala ay magpapalakas ito ng demokratikong proseso ng halalan sa bansa.

Mas mapapabuti rin aniya ang sistema at proseso ng eleksiyon dahil kalidad na ang magiging basehan ng pagboto ng mga tao.

“By requiring election debates, we afford the voting public the chance to scrutinize the candidates. This is part of ushering in better quality of elections, from the campaigning down to the vote itself,” ayon kay Rocamora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?