228

Apr 12, 2020 @ 23:15
By

Laguna cong sa DOH: Ano importante kati ng balat o mamatay sa virus?

Hiniling ni Laguna 1st District Congressman Dan Fernandez sa Department of Health (DOH) na bawiin ang ini-anunsiyo sa publiko na iwasan ang pagsasagawa ng misting at spraying ng disinfectant dahil walang garantiya na mapoprotektahan nito ang mapanganib na sakit na dulot ng COVID-19.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Fernandez na nagsisimula na ang publiko na matuto sa mga pamamaraan na protektahan ang sarili laban sa nakamamatay na virus at ang spraying at disinfectant misting ay isa sa nakikitang paraan upang makatulong na labanan ang paglaganap ng epidemiyang dulot ng COVID-19.

Dagdag pa ng kongresista, dapat ay mag-isip muna ang DOH sa pagbibigay ng pahayag at gumawa na lang ng aksiyon para malabanan ang paglaganap ng virus.

Magugunita na noong Abril 10, naglabas ng pahayag ang DOH sa publiko na nagsasabing walang matibay na ebidensiya na ang pagsasagawa ng misting at spraying disinfectants sa loob at labas ng anumang lugar ay nakakatulong para patayin ang virus.

Sabi pa ng DOH, lubha pa ngang mapanganib sa kalusugan ang pagsasagawa ng spraying dahil bukod sa nakakasama ito sa respiratory system kapag nalanghap ang kemikal, nakakairita pa sa balat ng tao at nakakasira pa sa kalikasan.

Nanawagan pa nga ang DOH sa kanilang inilabas na anunsiyo na tigilan na ang pagsasagawa ng misting at spraying disinfectant sa panahong ito.

“Ang pakiusap ko sa DOH, bawiin ninyo ang statement ninyo. Ating gawin lahat ng paraan para malabanan ang sakit na ito. Magtulungan. Hindi magdudahan o maghatakan pababa,” sabi pa ng kongresista at idinagdag pa niya ang katanungang “Ano ba ng mas importante, and kati ng balat o ang mamatay dahil sa COVID-19?”

Pinaalalahanan din ni Fernandez ang DOH na ang misting at spraying ay pinapahintulutan at ginagawa ng mas mauunlad pang bansa tulad ng China habang ang US Defense for Disease Control ay may ipinaiiral na panuntunan na kailangang ma-disinfect ang mga pasilidad, maging sa labas at loob, kung may nag-positibo sa COVID-19.

Sa kanyang pagwawakas, sinabi ni Fernandez, “May I remind the DOH Central Office that we are at war here. A war wherein we cannot see our enemy wherein wala tayong alam na gamot. In the absence of a possible vaccine, lahat ng klase ng sandata na pwede nating gamitin ay dapat ilabas ng pamahalan. Kahit may slight chance na makapigil ng pag spread ang kahit anong action ng tao, hindi dapat pigilan lalo na kung ang side effect ay mild skin irritation lang. Hindi naman ito masisinghot ng tao dahil naka mask sila,”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?