29

Jan 6, 2022 @ 14:10
By

Lagpas 500K na bahay inararo ni Odette

Mahigit kalahating milyong kabahayan ang nasira dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo Del Rosario batay sa kanilang patuloy na pagkalap ng impormasyon sa iniwang pinsala ng nagdaang bagyo.

Sinabi ni Del Rosario na nakapagbigay na sila ng agarang tulong sa mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng cash assistance alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa nakuha nating datos ano, as of January 5 of 2022, ang total nating partially damaged ay 406,521. Ang totally damaged naman ay 181,258. For a total of 587,779 partially and totally damaged houses,” ani Del Rosario.

Karamihan aniya sa mga nawasak na kabahayan ay mula sa Region IV-B, Region VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, Caraga at BARMM.

Sinabi ni Del Rosario na nagbigay na rin ang kanyang ahensiya ng shelter materials at iba pang kagamitan para magamit ng typhoon victims, gaya ng shelter-grade tarpaulin sheets, modular tents at solar lampa.

“Ang naibigay na natin ay 487 million; ito ay naibigay ng National Housing Authority. Ang 487 million ay naibigay natin sa lahat ng lugar na nasalanta at ang nakatanggap nito ay 97,500 families. Ito ay immediate cash assistance na ni-release ng National Housing Authority sunod sa utos ng ating mahal na Pangulo,” dagdag ni del Rosario.

Mayroon din aniyang ipinamahaging shelter repair kits sa mga biktima ng bagyo sa Caraga region at Southern Leyte na naglalaman ng GI sheets, lumber, plywood, tarps, pako at carpentry tools.

Sinabi ni Del Rosario na aktibong tumutulong ang International Organization for Migration sa pagbangon ng mga biktima ng bagyong Odette.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?