85

Jul 9, 2019 @ 15:11
By

Lady rider sumalpok sa poste, todas

Nasawi ang isang babaeng rider matapos na sumalpok sa poste na bahagyang nasa gitna ng kalsada ang minamaneho niyang motorsiklo, Lunes ng gabi sa Kidapawan City, North Cotabato.

Dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Ruth Majesca Delector Tulang, 30, empleyado ng isang pribadong kompanya at naninirahan sa Mariano Cuenco St., ng nabatid na lungsod.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa pulisya, naganap ang insidente alas-10:15 ng gabi habang minamaneho ng biktima lulan ng kanyang kulay itim na Yamaha Mio ang kahabaan ng Quezon Boulevard nang bigla itong sumalpok sa poste ng Cotabato Electric Cooperative na bahagyang nasa gitna ng kalsada.

Dahil sa lakas ng pagsalpok ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agaran niyang ikinamatay.

Nabatid na matagal na rin umanong inirereklamo ng mga motorista ang poste sa gitna ng kalsada na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaaksiyunan ng kooperatiba.

Mayroon namang mga nakalagay na reflector sa nabanggit na poste at may ilaw naman sa nasabing lugar pero posibleng hindi umano ito napansin ng biktima dahilan ng pagsalpok nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?