230

Oct 12, 2017 @ 15:27

Lady investigator pinatay sa apartelle

Patay  na nang matagpuan ang 49-anyos na ginang na  imbestigador ng Violence Against Women and Children Desk  (VAWC) sa kanilang barangay, matapos na mag check-in kasama ang isang hindi-kilalang lalaki sa loob ng isang apartelle sa Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Girlie Villahermosa Gonzaga, 49-anyos, may asawa, nagtatrabaho bilang  imbestigador ng VAWC  sa kanilang barangay at  naninirahan sa Blk 2, Lot 8, Country Homes, Brgy. Bagong Silangan, sa nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Roldan V. Cornejo, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD),  dakong ala 1:00 ng madaling araw, Oktubre  12, 2017, ay nag-check-in ang ginang  kasama ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa  115 Diliman Apartelle na matatagpuan sa No. 303 Commonwealth Ave., Brgy. Old Balara, QC.

Ayon sa pahayag ng bellboy ng Apartelle na si Christian Jay Palilan,  makalipas lamang ang isang oras ay nakita niyang lumabas ang lalaking  kasama ng ginang at bumili ng pineapple juice sa kanilang tindahan, at pagkatapos ay nagpaalam sa kanya na lalabas lamang upang bumili ng sigarilyo.

Subalit lumipas na ang tatlong oras, at tapos na ang binayarang 3 hours ya hindi pa rin bumabalik ang lalaki kaya minabuti ng bellboy na puntahan ang kuwartong inokupa ng ginang at kinatok niya ito. 

Nang walang nagbubukas ng pinntuan ay pinatawagan niya ito sa telepono sa kanilang kahera, pero wala rin umanong sumasagot.

Minabuti ng bellboy at kahera na puntahan ang silid na inokupa ng ginang at ng lalaking kasama nito, gamit ang duplicate key  subalit nang mabuksan nila ang pinto ay bumungad sa kanila na nakadapa sa kama ang babae at patay na.

Sa pagsisiyasat naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD sa pamumuno ni Police Chief Insp. Mary Grace Alvarez, wala naman silang nakitang external injury sa bangkay ng biktima kaya hinihinalang pinatay ito sa pamamagitan ng pagtatakip ng unan sa mukha hanggang sa mawalan ito ng hininga.

Pinaghahanap pa ngayon ng mga awtoridad ang lalaking kasama ng ginang habang inaalam pa rin ang tunay na sanhi ng kamatayan ng biktima. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?