171
views

By

Lady cop nag-suicide?

Sharing is caring!

Hindi naniniwala ang ama ng 27-anyos na lady cop ng Pasig na magagawang magbaril sa sarili ang kanyang anak noong bisperas ng Bagong Taon sa loob ng inuupahang apartment sa Barangay Caniogan, Pasig City.

Nakilala ang biktima na si PO1 Estrella Labador, nakatalaga sa Pasig City Police Drug Enforcement Unit, tubong Ifugao at nakatira sa Dela Paz Street, Barangay Caniogan, Pasig,

Ayon sa ama ng biktima na si Mang Pedro Ngitit, hindi siya naniniwala sa report ng Pasig Police na suicide ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak dahil imposibleng magpakamatay ito dahil masaya siya sa kanyang pamilya at trabaho.

Ngunit nang huli umano niyang nakausap ang anak noong Disyembre 28 ay idinadaing ang problema nito sa kanyang unit at nais na umano niyang magpalipat sa kanilang lugar sa Ifugao.

Sinabi pa nito na hindi niya nakakasundo ang mga kasamahan sa trabaho.

Kilala umano niya ang anak na matapang at matatag sa 12 niyang anak, si Labador lamang ang nakikitaan niya ng pag-asa kaya hindi siya naniniwala na magagawa ito ng anak.

Posible umanong may foul play na naganap sa pagkamatay ng kanyang anak.

Nailibing na ang mga labi ni Labador sa kanilang probinsiya sa Ifugao.

Batay sa report, naganap ang insidente habang nasa loob ng kanyang kuwarto sa tinutuluyang apartment si Labador habang nasa ibaba naman ang mga kasamahan nito na sina PO1 Runckle Dinamling at PO1 Jimmy Dinamling, ng Police Community Precinct 6, at PO1 Marilyn Madarang, nakatalaga sa Eastern Police District Office (EPD), na nanonood ng TV nang makarinig ng putok ng baril bandang alas-10:00 ng umaga, Disyembre 31.

Agad nilang pinuntahan ang kuwarto ni Labador at bumungad sa kanila ang duguang katawan ng biktima na agad nilang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival na.

Ayon kay Pasig City Police chief, Senior Supt. Orlando Yebra Jr., kinukunsidera nilang suicide ang sanhi ng pagkamatay ng lady cop base na rin sa mga nakasaksing pulis na testigo at kaibigan ng biktima.

Ayon pa kay Yebra, posibleng may malaking problema si Labador kaya nagawa nitong kitilin ang sariling buhay. Kasabay nito ang pagsasagawa ng gun powder test na kung saan ay nagpositibo si Labador gamit ang kanyang service firearm na 9mm pistol.

Samantala, desidido si Mang Pedro na sumangguni sa kaibigang abogado upang mabigyan ng kalutasan ang kamatayan ng anak dahil malaki ang paniniwala niya na hindi nagpakamatay ang anak habang tila itinatago ng pamunuan ng Pasig police at EPD ang naturang isyu. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?