1,429

Sep 23, 2021 @ 14:57
By

Lacson: Trillanes kulang sa pansin

Binuweltahan ni Senador Panfilo Lacson si dating senador Antonio Trillanes IV dahil sa pagpapapansin nito matapos punahin ng huli ang nabigong “unity talks” ng mga oposisyon.

Tinawag pa ni Lacson si Trillanes na “KSP” o kulang sa pansin.

“Will somebody call out this KSP to change his tack to be noticed?” sabi ni Lacson sa kanyang tweet nitong Setyembre 23.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Trillanes na nabasura na ang unity talks matapos maghayag sina Lacson, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ng kanilang election bid para sa 2022.

Ani Trillanes, gusto naman talagang sumabak sa presidential race ang tatlo at hindi rin sila talaga bahagi ng tunay na oposisyon.

“Bunga ng mga pagdeklara ng pagtakbo bilang Presidente nina Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Mayor Isko Moreno, nabasura nang tuluyan ang ‘unity talks’ na tinutulak ni VP Leni Robredo,” sabi ni Trillanes.

“Simula’t sapul, talagang desidido naman silang tumakbong pagka-Presidente. Bukod pa rito, hindi naman sila TUNAY NA OPOSISYON kahit papaano pa natin baliktarin ito,” sambit pa nito.

Sina Lacson, Pacquiao at Moreno ang ilan sa mga presidential candidate na nakausap ni Vice President Leni Robredo bilang bahagi ng kanyang pagsusulong na magkaroon ng oposisyon sa 2022 elections.

Si Trillanes ay kilalang supporter ni Robredo. Umaasa din ang dating senador na magdedesisyon na sa lalong madaling panahon si Robredo hinggil sa kanyang balak sa susunod na eleksiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?