29

Oct 6, 2021 @ 15:18
By

Lacson-Sotto uunahin kapakanan ng mga Noypi

Kakayahan, Katapatan, Katapangan.

Ito umano ang mga katangiang taglay ng Lacson-Sotto tandem na layuning maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa ating pamahalaan.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson matapos ang kanilang paghahain ng kanyang runningmate na si Senate President Vicente Sotto Sotto III ng Certificates of Candidacy (COC) sa pagka-presidente at bise presidente.

Pagmamalaki pa ni Lacson, ang walang bahid ng korapsyon ang kanilang pinakamalakas na sandata para wasakin ang mga tiwali sa pamahalaan.

“Kahit minsan hindi tumanggap ng suhol kapalit ang serbisyo publiko – nananatiling walang bahid ng korapsyon ang siya naming gagamiting pinakamabisang armas upang buwagin ang mga sindikato sa loob at sa labas man ng gobyerno,” sabi ni Lacson sa kanyang talumpati.

Sakaling palarin ang Lacson-Sotto tandem sa 2022, tiniyak nilang paiiralin ang disiplinadong burukrasya, kabilang na ang maayos na paggastos ng pambansang badyet upang makaabot ang biyaya at kaunlaran sa mga liblib na lugar ng bansa.

“Marapat lamang na mauna ang kapakanan ng higit na nakararaming Pilipino,” pagtitiyak pa ni Lacson.

“Ang tama ay ipaglalaban, ang mali ay lalabanan” – isang personal na kredo na aking sinusunod na pamantayan sa mahabang panahon ng aking panunungkulan,” ayon pa sa senador na naging sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, isang alagad ng batas at hepe ng Pambansang Pulisya, Presidential Assistant ng dating Pangulong Benigno Aquino III, at Senador ng Republika.

Dagdag pa ni Lacson, panahon na rin upang manumbalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pilipino sa loob at labas ng bansa.

“Kapag ang namumuno ay matino at nirerespeto, panalo ang pangkaraniwang Pilipino!” diin pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?