29

Nov 18, 2021 @ 16:09
By

Lacson-Sotto tandem: Presensya ng China sa WPS, masamang pangitain

Itinuturing na masamang pangitain ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Vicente “Tito” Sotto III ang presensya ng mga Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang virtual press conference, kinondena nina Lacson at Sotto ang ulat hinggil sa paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard para itaboy ang mga barko ng Pilipinas na magbibigay ng supply sa BRP Sierra Madre, sa Ayungin Shoal noong Martes.
Nagpadala na ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Beijing para tutulan ang insidente, pero para kina Lacson at Sotto hindi ito sapat.

“We are not satisfied with just filing diplomatic protests. Kaya ang aming magiging polisiya dito makipag-alliance tayo doon sa malalakas na bansa, ‘yung militarily strong countries. Meron naman tayong existing bilateral agreements with them,” sabi ni Lacson, na chairman ng Senate committee on national defense

“Hindi natin kakayanin ang Tsina considering its military capability, so nag-usap naman kami ni SP (Senate President Sotto) at sabi namin ipasa natin ito sa balance of power (among nations), hindi pwedeng parang pushover na lang tayo palagi,” dagdag pa ng dating chief ng Philippine National Police.

Para naman kay Sotto, “Kapag ang mga tao natin ang itinataboy, masamang pangitain ito, may nasaktan man o wala.”

Sabi pa ng Senate President, ngayon na ang panahon para muling suriin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at United States at ng iba pang malalakas na bansa, para pigilan ang mga pag-angkin ng China sa WPS.

Kinumpirma ng Western Command ng Armed Forces na nakabase sa Palawan, ang ulat ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., tungkol sa pagharang at paggamit pa ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na may resupply mission sa BRP Sierra Madre.

Wala mang Pilipino na nasaktan sa insidente, pero kailangang ipagpaliban ang kanilang misyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?