12

Jul 21, 2021 @ 15:47
By

Lacson-Sotto tandem, ‘neutral’ sa 2022

Hindi umano kokontrahin ng tambalan nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyong Duterte pagsapit ng kampanya para sa 2022 election.

Sa halip, isusulong ng Lacson-Sotto tandem ang mga reporma na hindi nagawa o saan nagkulang ang kasalukuyang gobyerno.

Ayon pa kay Sotto, magiging “neutral” party ang kanilang tambalan ni Lacson sa susunod na halalan.

“Tingin ko …we are the alternative. We are not pro-administration; we are not opposition. We are neutral,” pahayag ni Sotto sa panayam sa Teleradyo.

“Hindi namin kokontrahin ‘yong magandang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon. Kokontrahin namin ‘yong hindi magandang ginagawa o may mga kakulangan,” dagdag nito.

Noong Martes, kinumpirma ni Sotto ang kanilang pagtakbo ni Lacson sa 2022 election. Si Lacson ay tatakbo bilang pangulo habang bise presidente naman si Sotto.

Nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa kanilang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa, sinabi ni Sotto na ito’y dahil sa pagmamahal sa bansa at ang kagustuhang isulong ang reporma sa bansa.

“Well, it may sound corny to others, but one of the reasons is the love of country,” sabi ni Sotto.

“Tanong natin, saan ba papunta ang Pilipinas? Meron pa bang programang maganda para ika nga ay put the country back on track? At meron ba tayong programang magagawa na mas makakabuti para sa bansa?” tanong pa nito.

“Marami kaming nakikitang programa na dapat ipatupad. Nasa plano talaga ng gobyerno pero hindi nangyayari,” sambit pa ni Sotto.

Ang Lacson-Sotto tandem ay tatakbo sa ilalim ng campaign slogan, “Kakayahan, Katapatan at Katapangan”.

“‘Yong laman ng programa namin, nakabalot lahat doon,” wika pa ni Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?