33

Nov 18, 2021 @ 15:55

Lacson-Sotto: Presensya ng China sa WPS masamang pangitain

Itinuturing na masamang pangitain ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Vicente “Tito” Sotto III ang presensya ng mga Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).

Sa kanilang “Meet the Press” nitong Huwebes (Nobyembre 18), kinondena nina Lacson at Sotto ang ulat hinggil sa paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard para itaboy ang mga barko ng Pilipinas na magbibigay ng supply sa BRP Sierra Madre, sa Ayungin Shoal noong Martes.

Nagpadala na ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Beijing para tutulan ang insidente, pero para kina Lacson at Sotto hindi ito sapat.

“We are not satisfied with just filing diplomatic protests. Kaya ang aming magiging polisiya dito makipag-alliance tayo doon sa malalakas na bansa, ‘yung militarily strong countries. Meron naman tayong existing bilateral agreements with them,” sabi ni Lacson, na chairman ng Senate committee on national defense.

Dagdag pa ng dating hepe ng national police, “Hindi natin kakayanin ang Tsina considering its military capability, so nag-usap naman kami ni SP (Senate President Sotto) at sabi namin ipasa natin ito sa balance of power (among nations), hindi pwedeng parang pushover na lang tayo palagi.”

Para naman kay Sotto, “Kapag ang mga tao natin ang itinataboy, masamang pangitain ito, may nasaktan man o wala.”

Ayon pa sa Senate President, ngayon na ang panahon para muling suriin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at United States at ng iba pang malalakas na bansa, para pigilan ang mga pag-angkin ng China sa WPS.

Kinumpirma ng Western Command ng Armed Forces na nakabase sa Palawan, ang ulat ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., tungkol sa pagharang at paggamit pa ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na may resupply mission sa BRP Sierra Madre.

Wala mang Pilipino na nasaktan sa insidente pero kinailangang ipagpaliban ang kanilang misyon.

Sinabi ni Locsin na nakipag-usap na siya kay Chinese Ambassador Huang Xilian at sa Ministry of Foreign Affairs ng Beijing para i-protesta ang insidente. Pinaalalahanan din umano ang mga ito na ang mga public vessel ay sakop ng Philippines-US Mutual Defense Treaty.

Sinabi niya na ang mga aktibidad na ito ng mga Chinese Coast Guard vessel ay iligal dahil walang karapatan ang Tsina sa Ayungin Shoal at dapat na silang umatras.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?