31

Nov 22, 2021 @ 16:14
By

Lacson, Sotto negatibo sa drug test

Nag-negatibo sa drug test sina presidential aspirant Senador Panfilo Lacson at running mate nitong si Senate President Vicente Sotto III.

Sa screening examination na ginawa kina Lacson at Sotto, lumabas na negatibo ang dalawa sa presensya na anumang uri ng iligal na droga.

“Screening examination conducted on specimen IDs PDEANCR-DT21-080-001 to 002 gave NEGATIVE results for the presence of Methamphetamine, MDMA, Cocaine, and their metabolites, as well as THC metabolite,” ayon sa chemistry report ng Laboratory Service ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“Urine specimens collected from VICENTE SOTTO III and PANFILO LACSON do not contain any dangerous drug under RA 9165,” nakasaad pa sa resulta.

Una rito, nag-boluntaryong magpa-drug test ang dalawa sa tanggapan ng PDEA.

“What we underwent was not the ordinary testing. PDEA uses a multidrug testing kit. It can check all types of illegal drugs encompassing holistic drug test,” pahayag ni Sotto sa mga reporter.

“Ordinary testing only checks marijuana and shabu,” dagdag nito.

Nagpa-drug test sina Lacson at Sotto ilang araw matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isang presidential aspirant na gumagamit ng cocaine. Hindi naman niya pinangalanan ang presidential candidate.

Nauna nang sinabi ni Lacson, tumatakbo sa ilalim ng Partido Reporma, na hindi siya ang pinatutungkulan ni Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?