256

Jul 22, 2021 @ 16:59
By

Lacson-Sotto imposibleng makipag-alyansa sa Hugpong ni Sara

Mas pipiliin pa ng tambalan nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III na makipag-alyansa sa Partido para sa Demoraktikong Reporma Party (Reporma) kesa sa Hugpong ng Pagbabago (HNP).

“We are imposed to entering alliances with Reporma and Aksyon Demokratiko kasi itong mga partidong ito walang bangga sa amin sa local. Halos walang bangga lalo na sa mga congressional district,”pahayag ni Sotto sa online interview ng mga reporter.

Sabi ni Sotto, maingat sila sa pakikipag-koalisyon at alyansa sa ibang political party dahil may ilang hindi sumusunod sa tinatawag na ‘equity of the incumbent’ lalo na sa mga local elective post.

Nang tanungin kung makikipag-alyansa ba sila sa HNP ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sinabi ni Sotto na imposibleng mangyari ito.

“At this point, baka hindi feasible [ang alliance with HNP] kasi kailangan pag-usapan muna namin kung sakali kasi ang Reporma, malakas doon sa lugar ng Region 11 e,” ani Sotto.

“Paano kami mag-alliance don [HNP] eh di may bangga kagad sa Reporma. Maraming kandidato ang Reporma sa Region 11. Ang national party namin mababangga ng local parties so mahirap,” dagdag pa nito.

Ang Reporma ay pinamumunuan ni dating Speaker Pantaleon Alvarez habang ang HNP ay pinangungunahan ni Mayor Sara, na napabalitang tatakbo rin sa pagka-pangulo sa 2022.

Si Mayor Sara ang diumano’y nasa likod nang pagsipa kay Alvarez bilang Speaker noong July 2018, ang araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa HNP, hindi rin makikipag-alyansa sina Sotto sa mga malalaking political party tulad ng PDP-Laban, Liberal Party at at Nacionalista Party.

“We’ve had differences in the past pagdating sa local. ‘Yung sa equity of the incumbent di nasusunod e. Nagkaroon kami ng ganyang experience sa PDP Laban, sa LP, sa NP,” ayon kay Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?