32

Nov 15, 2021 @ 16:57

Lacson-Sotto admin magbabalik ng liwanag sa mga Pilipino

Siniguro ni Partido Reporma presidential bet Senator Panfilo Lacson at running-mate niyang si Senate President Vicente Sotto na i-a-ahon nila ang bansa mula sa mga krisis na kinakaharap nito at magbibigay ng liwanag sa mga Pilipino.

“Wakasan ang lagim at yakapin ang liwanag,” ayon pa sa ad na nilabas sa national TV para sa tambalan nina Lacson at Sotto.

Giit nila, humaharap ang bansa sa kahirapan, kawalan ng serbisyong pangkalusugan, kawalan ng suporta ng gobyerno, nagpapatuloy na kriminalidad, at krisis sa pamumuno, na pawang mas lumantad nang maapektuhan ang bansa ng COVID-19 pandemic.

“Kung gusto nating magbago ang ating buhay, ito ay nasa ating mga kamay. Kung tayo ay pipili ng lider ng hinog sa kakayahan, sanay sa labanan at subok sa karanasan,” sabi pa sa ad.

Pinaliwanag din dito kung paano naiba ang tambalang Lacson-Sotto mula sa iba pang mga kandidato, dahil sila ay “mga lider na may utak ang tapang at tapang ang utak.”

Sa kanyang mga naunang talumpati, hinalintulad ni Lacson ang Pilipinas sa isang indibidwal na dinala sa intensive care unit para gamutin.

“Kapag kayo po ba ay nasa ICU, sino po ang pipiliin ninyo: yung isang guwapo na kaga-graduate lang ng medisina, o yung isang may karanasan na at marami nang napagaling?” tanong ni Lacson.

Sa mga kandidato, tanging sina Lacson-Sotto lang ang aktibong nakapagpresenta sa publiko ng kanilang malinaw na plataporma ng pamamahala, na layunin nilang mapaganda pa sa pamamagitan ng kanilang mga konsultasyon sa lingguhang “Online Kumustahan”.

Plano ng tandem na mabigyan ng boses ang mga local government unit para sa pagbuo ng kanilang progreso sa pamamagitan ng Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program. Pinangako rin nila ang pagdadagdag sa benepisyo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sabi pa ni Lacson, kailangang baguhin na ang nasabing financial assistance program at gawing ‘pang-ahon sa kahirapan’ na higit pa sa ‘pantawid’.

Ipinangako rin nina Lacson-Sotto na hindi na maglalabas kahit sentino ang sinumang mamamayan na nagnanais ng medical assistance mula sa mga government hospital.

Ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang food producer ay mabibigyan naman ng tulong – mula sa binhi, fertilizer, mga daan mula sakahan hanggang pamilihan at maging ng mga teknikal at marketing assistance.

Matatandaan na si Lacson ang author ng Free Irrigation Law na nagbenepisyo sa mga magsasaka.

Isinusulong din nila ang financial assistance para sa mga medium, small and micro enterprises, na naapektuhan nang malubha dahil sa pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?