52

Oct 10, 2021 @ 14:03
By

Lacson sasagupa vs fake news, dayaan sa halalan

Nararapat lamang na labanan ang fake news at iba pang uri ng tangkang panlilinlang sa panahon ng halalan upang hindi ganap na gumuho ang lehitimong proseso ng pagpili ng mga susunod na lider ng bansa.

Ito ang naging panawagan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, standard bearer ng Partido Reporma sa pagka-Pangulo sa publiko sa harap na rin ng naglalabasang fake news sa iba’t ibang social media platforms.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Lacson, standard bearer ng Partido Reporma, na nangangamba dahil sa talamak na pagkalat ng maling impormasyon na posibleng humantong sa magkaroon sa tech-induced electoral fraud o malawakang pandaraya sa pamamagitan ng pag-abuso sa social media.

Aniya, makikipag nakikipagugnayan na sila sa iba pang political party upang ang nakakabahalang pangyayaring ito ay mahanapan ng solusyon.

Magpapa-briefing na kay dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio at ibang mga cybersecurity experts upang maprotektahan ang source code ng electronic voting machine.

“‘Yung source code, kailangan talaga tinitingnan ‘yan every step of the way… Ito ‘yung binabalangkas namin, binubuo namin in an organized manner kung paano i-co-correct o mapipigilan ‘yung dayaan,” ayon kay Lacson.

Sinariwa din ng senador ang kanyang karanasan kung ilang beses siyang naging biktima ng black propaganda operations, pag-atake ng troll farms at sangkaterbang fake news.

“Dapat mamulat ‘yung mga kababayan natin na huwag silang masyadong maging gullible o kaya vulnerable sa mga tinatawag na fake news. Napakaraming fake news. Minsan ang fake news ‘pag inulit-ulit akala mo totoo na e,” paalala ni Lacson.

Inihalimbawa nito ang naganap sa Estados Unidos noong Enero 6, taong kasalukuyan, kung saan dahil sa fake news sumugod ang mga taga-suporta ni dating US President Donald Trump ang US Capitol Building na humantong sa pagkamatay ng ilan bukod pa sa mga nasaktan.

“They (Americans) were on a brink of another civil war dahil sa nangyari sa January 6 ‘nung proclamation ni President Biden. So, nakakapangamba kasi in this day and age of modern information technology, parang wala nang imposible,” sabi pa ni Lacson. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?