43

Jan 2, 2018 @ 13:22
By

Lacson sa PNP: Pagbutihin ang inyong intel work

Hindi kuntento si Senador Panfilo Lacson sa pangangako ng Philippine National Police (PNP) na magiging “less bloody” at “more transparent” ang version 2.0 ng kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Iginiit ni Lacson sa PNP na dagdagan ito ng pinagbuting pagkalap ng intelihensya.

Pinadadagdagan din ng higit na sigasig ng mga pulis sa pagresolba sa mga krimen.

“Less bloody, more transparent drug campaign by the PNP this year can even be better with more vigor and enthusiasm. And yes, much improved, more dedicated intelligence work,” pahayag ni Lacson.

Una rito, sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos na magiging less bloody at more transparent ang anti-drug campaign dahil pagsusuotin na ang mga pulis ng body camera kapag lulusob sa police operation.

Noong nakaraang taon, naging patay-sindi ang partisipasyon ng PNP sa gyera laban sa droga matapos mapatay sa drug operations ang ilang teen-ager, menor-de-edad at iba pang drug suspek.

May ilang lumitaw na walang kinalaman sa pagbebenta ng ilegal na droga at mayroong pinatay diumano nang sadya o biktima ng summary execution.

Dahil dito, naging sekondarya ang papel ng PNP sa war on drugs.

Tagapanguna ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?