72

Jun 21, 2021 @ 17:08
By

Lacson posibleng standard bearer ng NPC sa 2022 – Sotto

May posibilidad umano na maging presidential candidate ng Nationalist People’s Coalition (NPC) si Senador Panfilo “Ping” Lacson, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Ginawa ni Sotto ang pahayag matapos tanungin ng mga reporter na awtomatiko bang kukunin ng NPC si Lacson bilang standard bearer ng partido sa oras na magdesisyon ang huli na tumakbo sa pagka-pangulo.

“We have not discussed that way, wala pa kaming pinag-uusapan sa ngayon. We are seriously considering it. I think our consultative meeting will help a lot,” pahayag ni Sotto sa online interview ng mga reporter.

“That is a possibility but I can’t speak in behalf of my whole party, I can get the support of majority of our party. Consultative pa rin ‘yan. We have never been that way,” sambit pa nito.

Sa ngayon aniya’y nagbuo sila ng proposal sa kanilang pagtakbo sa susunod na halalan, kasama na ang mga programa at mga solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan.

“Actually, we are drafting our proposals or our plans. Kasama sa desisyon namin ano ba ang programa namin, ano ba solusyon namin sa problema dahil kung wala kami program bakit kami makikitakbo,” sabi ni Sotto, isa sa mga pinagpipiliang tatakbo sa pagka-bise presidente sa susunod na halalan.

Ayon kay Sotto, wala naman umano silang ibinigay na timeline kay Lacson para magdesisyon kung tatakbo siya sa pagka-pangulo sa 2022 elections.

“It’s up to him. He will probably decide the same time I would August or September,” ani Sotto.

Sinabi pa ni Sotto, may posibilidad na maging ka-tandem siya ni Lacson sa oras na mag-desisyon ang huli na sumabak sa presidential race.

“I would suppose that if I would run for any political position, I would get the support of my entire political party,” sabi ni Sotto, acting chairman ng NPC.

Samantala, sinabi pa ni Sotto na maarin ring i-adopt ng NPC boxing champ-turned-politician Sen. Manny Pacquiao.

“Anything is possible at this point,” sabi ni Sotto, tanungin kung maari ring maging adopted candidate ng NPC si Pacquiao.

Kasalukuyang may sigalot sa liderato sa Pdp-Laban party kung tumatayong acting president ng partido si Pacquiao.

“Wala naman akong planong makihalo sa problema ng ibang political parties—but I suppose based on my conversation with some other political friends from the PDP-Laban, a big majority of the PDP-Laban members are supportive of Sen. Pacquiao,” sabi ni Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?