72

Dec 21, 2017 @ 12:38
By

Lacson pinakakalma sa nat’l security issue sa Chinese telco

Kinalma ng Malacañang si Senador Panfilo Lacson sa pangamba nito na baka ma-hack ng China ang mga mahahalagang impormasyon ng gobyerno kapag nakapasok na ang third player sa telecommunication.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hindi naman papayagan ng gobyerno ang mga ganitong aksiyon at meron namang mga paraan para mabusisi nang husto ang mga pumapasok na teknolohiya sa bansa.

Ang hangad aniya ng gobyerno ay mapabilis ang serbisyo ng internet sa bansa dahil talagang mabagal ang serbisyo ng dalawang telecommunication company sa Pilipinas.

“Meron namang paraan para ma-check ng wasto iyong ating mga teknolohiya na pumapasok sa bansa. So… dapat wala tayong ipangamba. Ang mahalaga po ay talagang bumilis iyong serbisyo,” ani Andanar.

Panahon na aniya na magkaroon ng pagbabago sa serbisyo ng telcos dahil matagal nang nagtitiis ang publiko sa mga dropped calls at mabagal na internet connection at kitang-kita naman na hindi talaga nakapag-deliver ng serbisyo dahil meron pa ring mga lugar sa bansa na walang cell sites.

Kasabay nito, sinabi ni Andanar na hindi lamang ang China ang puwedeng pumasok sa bansa dahil lahat ng interesadong partido ay puwedeng sumali gaya ng Amerika at Europe.

“Competition needs to be jolted para gumalaw at bumilis ang serbisyo. Lahat naman ng interesadong partido ay puwedeng sumali, China, it could be Europe, it could be America. Kung sinong mga investor ang willing na pumasok ng Pilipinas,” dagdag na pahayag ng kalihim. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?