ABANTE cong fredenil castro lacson ping
By

Lacson niresbakan ni Cong. Castro: Magdahan-dahan ka sa pananalita mo!

Sharing is caring!

Unparliamentary, hindi makatao, hindi professional at walang edukasyon.

Ganyan inilarawan ni House Deputy Speaker Fredenil Castro ang naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson sa pagtangging makasama ang Kamara sa Constituent Assembly para sa pag-amyenda sa Konstitusyon kung saan nagpasaring itong makakapal ang mukha ng mga kongresista.

Dismayado si Castro sa banat ni Lacson sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan lalo’t ang mga usapin anya tungkol sa charter change gaya ng term extension at no-elections scenario ay mga espekulasyon lamang na nanggaling sa iilang tao at hindi sa kabuuan ng Kamara.

Ayon sa Deputy Speaker, ang pananalita ni Lacson ay “out of good taste” o hindi angkop sa mabuting panlasa lalo’t ang mga mambabatas anya senador man o kongresista ay itinalaga sa pamamagitan ng boto ng mamamayan.

“Wala kang karapatan na sabihin yan sapagkat ang taumbayan lamang ang may karapatan na hatulan ang mga kongresista. Kapareho din na ang karapatan na hatulan ang mga senador ay ang taumbayan din ang may authority na hatulan yan,” pahayag ni Castro.

“Kaya palagay ko, si Senator Lacson ay mag dahan-dahan naman ng kanyang pananalita dahil marami ang humahanga sa kanya bilang senador. Baka itong paghanga na ito ay mawala dahil sa mga katagang hindi angkop para sa isang mambabatas,” dagdag pa nito.

Una rito, sinabi ni Lacson na dapat hiwalay ang Senado at Kamara sa Con-Ass dahil kakainin sila ng boto ng mga kongresista. Humirit din ito na lalong kakapal ang mukha ng mga kongresista kung hold-over ang mga ito. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?