27

Jan 7, 2022 @ 15:16
By

Lacson maayos kalusugan kahit positibo sa Covid

Nasa maayos na kondisyon ang kalusugan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kabila ng naging resulta ng kanyang RT-PCR test kung saan nag-positibo siya sa COVID-19.

Mismong si Lacson ang naghayag nitong Biyernes tungkol sa kanyang kalagayan kasunod ng dalawang COVID-19 test na isinagawa sa kanya matapos ma-expose sa virus at makaranas ng ilan sa mga banayad na sintomas nito tulad ng sore throat at lagnat.

Sa ngayon, wala na siyang ibang sintomas na nararamdaman pero naka-isolate pa rin sa kanilang tahanan bilang pagsunod sa quarantine protocol. Nagpapagaling na rin ang kanyang anak at chief of staff na si Ronald Jay at iba pang mga kasama sa bahay na nahawa ng COVID-19.

Samantala, wala ni isa sa miyembro ng pamilya Lacson na tinamaan ng COVID-19 ang kinailangang maospital dahil sa mga naramdamang sintomas.

Nagpapasalamat din ang senador dahil ligtas din ang mga nakasalamuha niya nitong Lunes kung kailan nakipagpulong siya sa mga taga-Partido Reporma.
Ang mga nakasama ni Lacson sa ginanap na pagpupulong sa Partido Reporma Media Bureau office sa Greenhills, San Juan City kamakailan ay walang naitalang mga sintomas ngunit mahigpit pa ring sumusunod ang lahat sa mga health protocol.

“It really paid off that Sen. Ping is very strict about adhering to safety protocols when we have our meetings. None of us so far have tested positive after our meeting last [January] 3. We are all OK. He is also experiencing only mild symptoms. Thanks to being fully vaccinated,” ayon kay Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla na kasama sa naging pagpupulong.

Samantala, nangangamba naman ang partido dahil sa patuloy na mga ulat tungkol sa pagnipis ng suplay ng mga gamot tulad ng paracetamol, cough syrup, at iba pa na makakatulong upang maagapan ang ibang sintomas ng coronavirus.

Sabi pa ni Dra. Padilla, makabubuting paigtingin pa ng pamahalaan ang testing sa bansa, at gawin itong mas abot-kaya sa lahat ng mga Pilipino upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga testing center kung saan maaari silang tamaan ng COVID-19. (Dindo Matining)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?