5,510

Oct 21, 2017 @ 19:41

Lacson kay Trillanes: Patriotic ka ba o traydor?

Hinikayat ni Senador Panfilo Lacson si Senador Antonio Trillanes IV na ipaliwanag kung pagpapakita ng pagiging makabayan o katrayduran ang ginawa niyang pagtungo sa Estados Unidos at nakipagpulong sa ilang opisyal.

“Ang tanong diyan kelan nagsisimula at natatapos ang patriotism ng isang tao at betrayal niya,” saad ni Lacson.

Nilinaw ni Lacson na hindi niya kinukuwestiyon ang naging aksiyon ni Trillanes na makipag-usap sa mga opisyal ng Estados Unidos dahil alam nitong para sa dating sundalo ay mabuti ang kanyang intensiyon.

Binigyang-diin ni Lacson na ang pagiging patriotic ay may iba-ibang paraan ng pagpapakita.

“May kanya-kanyang paraan tayo ng pagpapakita ng patriotism, sa akin lang hindi ko nagustuhan ‘yung parang nagsusumbong ka sa ibang bansa, e pwede namang dito. E dito nga lang andito siya ansakit na ng ulo ni Presidente (Rodrigo) Duterte,” dagdag ni Lacson.

Aminado naman si Lacson na wala siyang alam kung kakayanin nga ba ng Estados Unidos na tumulong sa destabilisasyon laban sa Duterte administration.

“Pero sa ngayon, maliit na ang mundo e, dati noon kinikilala ang Amerika na may super power pero ngayon may Russia, may China,” dagdag ni Lacson. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?