40

Oct 7, 2021 @ 12:44
By

Lacson: Duterte walang ‘K’ ipaaresto mga senador

Ang judicial court lang ang maaaring umaresto sa sinumang indibidwal.

Ito ang reaksiyon ni Senador Panfilo Lacson sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapakulong niya ang mga senador kung isa-cite for contempt ang miyembro ng gabinete na hindi dadalo sa pagdinig ng Senado sa diumano’y overpriced na pandemic supply.

“Alam naman natin na hindi gagawin at hindi pwedeng gawin ng Pangulo na ipa-aresto at ipakulong ang kahit sinong tao, senador man o hindi,” sabi ni Lacson sa kanyang mensahe sa mga reporter.

“Only a court of law can issue a warrant of arrest against anybody and in accordance with the rule of law, or under Rule 113 Section 5 of the Rules of Court or what is known as “citizen’s arrest” under clearly defined circumstances,” dagdag pa nito.

Samantala, muling iginiit ni Senador Francis Pangilinan na hindi dapat dinidepensahan ni Duterte ang kanyang mga kaibigan na sangkot sa kontrobersiya.

“’Yung masama ang asta at mas masahol pa sa hayop ang mga kilos at ‘yung kinurakot ‘yung bilyong pisong pondo para sa COVID ng mga naka Lamborghini at Porsche na mga kaibigan ng Pangulo habang milyon ang nagkakasakit at nagugutom at libu-libo ang namamatay,” ani Pangilinan.

“Huwag pagtakpan at huwag nililihis ang usapin,” dagdag pa ng senador, tungkol sa bagong banta ng pangulo.

Nauna rito, pinayuhan ni Duterte ang kanyang mga gabinete na huwag silang pumayag na sinisermunan sila ng mga senador kapag dumadalo sa pagdinig sa Senado.

“If they cite you for contempt, I will jail the senators,” sabi ni Duterte sa kanyang televised address.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?