89

Apr 20, 2021 @ 13:10
By

Lacson: Duterte ‘di pwede isuko ang sigalot sa WPS

Hindi umano dapat basta-basta maglabas ang Commander-in-Chief ng mensaheng magdudulot ng interpretasyon na tila sumusuko na ang pamahalaan sa pakikipaglaban sa Tsina sa usapin ng pag-angkin sa West Philippine Sea.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on National Defense, makaraang ihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na maaring mauwi sa madugong sagupaan ang situwasyon kapag pinilit ng Pilipinas na igiit ang pang-angkin nito sa mga lugar.

“He’s the leader of our country and he’s the commander-in-chief of our armed forces. He can think of anything and speak about anything except surrender,” pahayag ni Lacson sa panayam sa CNN Philippines.

“There are so many things to think about except surrender. We cannot wave the white flag, so to speak,” saad pa nito.

Ayon kay Lacson, posibleng malagay sa alanganin ang kasarinlan ng Pilipinas kapag hindi ito nasolusyunan.

“I am not saying the President is actually raising the white flag but that’s the implication. If the officers and men of the AFP would take it that way, it could be disastrous to Philippine sovereignty,” sabi ni Lacson.

Ayon sa senador, kabilang sa maaring solusyon ang paglikha ng mas matibay na pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa ibang bansa gaya ng mga binabanggit nina Department of Foreign Affairs (DFA) Teodoro Locsin Jr. at Department of National Defense (DND) Secretay Delfin Lorenzana.

Ani Lacson, isa sa alyansang maaring palakasin ay ang relasyon ng Pilipinas at Japan dahil ang dalawang bansa ay parehong may isyu sa China tungkol sa teritoryo.

Ito ay bukod pa sa mga joint military exercises na maaring isagawa ng puwersang Pinoy at Estados Unidos at Australia.

“So let’s work along that line. We should not feel we’re alone. We cannot really win a war against China. Population-wise less than 1/10 tayo ng China. And military-wise, talagang no contest,” banggit ni Lacson.

“But why would we sulk in a corner and think along that line when there are stronger countries, even Europe, they are willing to assist us through the European Union?” dugtong pa nito.

Pero kung patuloy umanong mananahimik lamang sa isang sulok ang gobyerno, kada transaksiyon ng China sa Pilipinas ay may kaakibat na pananakop sa teritoryo ng bansa.

Samantala, hindi kumbinsido si Lacson na dahil sa pangyayaring ito ay tatalikuran na ng hanay ng militar ang pagsuporta kay Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?