28

Nov 18, 2021 @ 19:39
By

Lacson: 2022 national budget hindi ‘pork-free’

Sa ngayon, hindi pa matatawag na “pork-free” ang panukalang 2022 national budget dahil hindi pa naman natatalakay sa plenaryo ng Senado ang ilang malalaking ahensiya ng gobyerno, ayon kay presidential aspirant Senador Panfilo Lacson.

Halimbawa na lang aniya sa kaso ng Department of Agriculture (DA) kung nagkaroon ng paglipat ng pondo sa farm-to-market road projects.

“Hindi, hindi… Kung strictly ide-define natin kung ano ‘yung pork, ang pork—uulitin ko—hindi naman masama per se ‘yung pork. Ang problema kung hindi naikonsulta ito sa mga ahensya na mag-i-implement. Kasi ito ang parati kong tanong,” sabi ni Lacson sa virtual press conference.

“Sa DA, maraming kinaltas, ‘yung kanilang mga agri machinery, tapos ‘yung infrastructure ay nilipat na lang basta sa farm-to-market roads. Ang nailipat na nga P5 billion doon sa Bayanihan tapos naglilipat pa ulit,” dagdag nito.

Ayon pa kay Lacson, tinananong pa niya si Agriculture Secretary William Dar, sa pamamagitan ng sponsor ng badyet ng DA, kung nagkaroon na konsultasyon sa paglipat ng pondo, at sinabing ng kalihim na wala.

“Ang sagot nila, ang sagot niya, wala. So, sabi ko, paano n’yo i-implement? Diyan nagkakaroon ng napakalaking unused appropriations,” lahad ni Lacson.

“Kasi kung hindi nanggaling doon sa mag-iimplementa o hindi man lang sila nakonsulta, ang talagang resulta niyan hindi mai-implement, o kung ma-implement man ay paloko ang implementation dahil minadali,” dagdag nito.

Bukod diyan, binanggit pa ni Lacson ang pagsingit ng pondo sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP), na bahagi ng Universal Healthcare Act.

“Meron na rin kaming nasilip doon sa HFEP na may mga siningit doon, katunayan, naglalakihan eh,” ayon kay Lacson.

Napansin din nito na paputol-putol ang pagpapatupad ng Universal Healthcare Act.

“Tatlong taon na ‘yan, tatlong appropriation laws na ang naipasa namin, hindi pa tayo nakakaangat man lang papunta sa medium cost,” sabi pa ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?