19

Aug 26, 2020 @ 20:19
By

Lacson, 1 committee report lang ang pipirmahan

Inihayag ni Senador Panfilo Lacson na isang committee report lang tungkol sa imbestigasyon sa PhilHealth ang kanyang lalagdaan lalo na kung magkaiba ang findings ng Committee of the Whole at ng Blue Ribbon

“Kung nailabas ‘yung committee report last year after the hearing conducted by the Senate Blue Ribbon, iba ang situation noon at iba ang situation ngayon,” pahayag ni Lacson sa online interview ng mga reporter.

“Pero kung ilalabas niya (Senator Richard Gordon) ngayon at magkakasabay, lalo na kung magkasabay sila sa floor. Parang napaka-awkward ng magiging situation naming mga senador,” dagdag nito.

Sa susunod na linggo ilalabas ng Senate Committee of the Whole ang kanilang report matapos ang tatlong beses na pagdinig sa alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.

Ang blue ribbon committee naman na pinamumunuan ni Gordon ay naglabas na ng executive summary ng kanilang report kaugnay ng kanilang finding sa isinagawa nilang imbesrtigasyon sa PhilHealth noong 2019.

Subalit nilinaw ng kampo ni Gordon na hindi pa committee report ang inilabas nila noong Martes kundi kopya ng report ng tanggapan ng senador.

Sa report ni Gordon, inirekomenda nito ang pagtanggal sa lahat ng PhilHealth regional vice presidents na diumano’y nakinabang sa katiwalian sa ahensiya.

Sa pagdinig naman ng Senate Committee of the Whole, ang mga nabanggit na regional vice presidents na ‘good mafia’ sa PhilHealth habang ang tunay na mafia nama’y ang mga miyembro ng executive committee ng ahensiya.

Sabi ni Lacson, hindi pa niya natatanggap ang kopya ng report ng Senate blue ribbon committee.

“Kung magkakontra ‘yung dalawang committee reports I cannot see how a senator would sign both. Kung hindi sila talagang nagka-clash directly, pwedeng parehong committee report mapirmahan namin,” sabi ni Lacson.

Ayaw naman kuwestiyunin ni Lacson ang timing ng paglabas ni Gordon sa report ng blue ribbon.

“Si Senator Gordon napaka-passionate din niyan eh. Pagka mayroon siyang gustong i-point out talagang ilalabas niya ‘yan. So let’s leave it at that,” ani Lacson. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?