99

Dec 28, 2017 @ 9:44
By

Labandera binaril sa ulo habang natutulog

Hindi na nagising sa mahimbing na pagkakatulog ang isang labandera matapos pasukin ng tatlong hindi nakikilalang suspek at barilin sa loob ng kaniyang kuwarto, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Turla, ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), nakilala ang biktima na si Debbie Mercado, 36, at taga-No. 391 Maggie St., corner Pacheco St., Tondo, Maynila, na nasawi dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Ayon kay Patricia Mercado, ina ng biktima, dakong ala-1:10 ng madaling-araw, nang maalimpungatan siya sa narinig na putok.

“Nagulat na lang ako… kinutuban na ako,” ayon kay Patricia, at nang tingnan ang kuwarto ng anak nakita niya na may tama na ito ng bala ng baril sa ulo.

Ayon kay Patricia, wala naman umanong nakaalitan ang biktima, wala rin itong permanenteng trabaho at tumatanggap lang ng mga labahin.

Umamin naman ang ina na gumagamit ng shabu ang biktima pero hindi ito sangkot sa bentahan ng shabu.

Nakita naman sa closed-circuit television (CCTV) camera na nakalagay sa lugar, tatlong lalaki ang nakitang bumaba at sumakay sa kulay pulang Innova na ipinarada malapit sa bahay ng biktima.

Patuloy naman iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo ng krimen. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?