81

Nov 21, 2021 @ 16:37
By

Kuwestyunableng bentahan ng lupa ng pampublikong ospital kakalkalin

Pinaiimbestigahan ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Rowena ‘Niña’ Taduran ang kuwestyunable umanong pagbebenta ng dalawang lupa na pagmamay-ari ng Philippine Orthopedic Center (POC).

Inihain ni Taduran ang House Resolution 2336 na ipinadala ng plenaryo sa House Committee on Health.

Sinabi ni Taduran na naibenta ang dalawang lupa na may sukat na 1,516.50 metro kuwadrado ang isa at 1,517 metro kuwadrado naman ang isa na nasa tapat ng lokasyon ng ospital ng POC sa Quezon City sa gitna ng COVID-19 pandemic at desisyon ng Korte Suprema.

“We received information that the lots were sold with the help of a then retiring local registry of deeds official. What have we lost here? That we need to find out,” sabi ni Taduran.

Ang lupa ay pagmamay-ari ng POC mula pa umano noong 1947.

Noong Marso 15, 2009 ay naglabas ng desisyon ang Quezon City Regional Trial Court na ipinababalik sa mag-asawang Jose at Amelia Luriz ang naturang lupa ng POC.

Noong Pebrero 24, 2016 ay nagdesisyon naman umano ang Korte Suprema at ibinasura ang petisyon ni Jose Luriz at sinabi na ang lupa ay pagmamay-ari ng Republika.

Noong Marso 21, 2018, hiniling ng POC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa QC RTC na ipatupad na ang desisyon nito noong Marso 15, 2009.

Sa kabila nito, naglabas ng bagong Transfer Certificate of Title (TCT) ang Registry of Deeds Quezon City noong Setyembre 20, 2020 at nakasaad na ang may-ari ng mga lupa ay si Jose Luriz.

Noong Hunyo 25, 2021 ay naglabas ng bagong TCT ang Registry of Deeds-QC at nakapangalan ito sa bagong mga may-ari.

Sa isang pahayag sinabi ni Taduran na ang mga may-ari na ngayon ng lupa batay sa bagong titulo ay ang mag-asawang Winston Yu-Limwan at Maybelle Ng-Limwan at ang kompanyang Visco Motors Corp.

“We would also like to dig deeper into the participation of Elbert Quilala who, according to some people, had retired from the local Registry of Deeds months after the TCTs were issued last year,” sabi ni Taduran.

Hihilingin umano ni Taduran na ipatawag ng komite ang lahat ng indibidwal na may kaugnayan sa pagmamay-ari ng lupa at ang mga dokumento kaugnay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?