82

Dec 11, 2017 @ 17:42
By

Kustodiya sa P57.5-M shabu na nasamsam sa NAIA, inilipat sa PDEA

Pormal nang inilipat ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kustodiya sa 11.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P57.5 milyon na nasamsam sa dalawang magkahiwalay na kargamento sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang dalawang shipment na idineklara bilang mga laruan ay pansamantalang inilagak sa warehouse ng FedEx sa PAL/PSI Building.

Lumabas sa X-ray examination na may kahina-hinalang laman ang dalawang kargamento dahilan kaya isinailalim ang mga ito sa physical examination kung saan nadiskubre ang puting crystalline substance na itinago sa patong-patong na plastik.

Nabatid na nagpositibo ang puting crystalline substance sa methamphetamine hydrochloride o shabu.

Ang unang kargamento na naglalaman ng anim na kilo ng pakete ng shabu at nasamsam noong Nobyembre 29, 2017 ay naka-consign sa isang Rogelio Almodiel na may address sa Taguig City.

Ang ikalawang kargamento naman na nasamsam noong Disyembre 1, 2017 ay naglalaman ng 5.5 kilo ng shabu at naka-consign sa isang Hasmine Erquiza na may address sa Brgy. Tatalon sa Quezon City.

Ang dalawang kargamento ay parehong galing sa isang Tyler Wilson mula sa Culver City, California.

Personal na tinanggap ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga kontrabando.

Sa ilalim ng Republic Act 10640 na nag-aamyenda sa Section 21 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, ang PDEA ang may kustodiya sa lahat ng mga nasamsam na iligal na droga. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?