54

May 23, 2020 @ 18:18
By

Kung walang shuttle service: Mga empleyado ‘wag pwersahin – DOLE

Hindi maaaring pilitin ng mga employer ang kanilang mga empleyado na pumasok kapag wala ang mga itong inilaan na mga shuttle na masasakyan patungo sa kanilang kompanya o tanggapan at pauwi sa kanilang mga tahanan ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello.

Ayon kay Bello, dapat maglaan ng shuttle ang mga kompanyang pinapapasok na sa trabaho ang kanilang mga empleyado, partikular sa mga lugar na limitado ang transportasyon.

Giit ni Bello, maari na namang ikarga sa ‘vacation leave’ ng empleyado ang mga araw na hindi sila nakapapasok kung meron pa.

“Kung nagamit na nila o naubos na, wala na sila, so no work, no pay.”

Binigyang-diin din ng kalihim na ang kompanya rin ang dapat magbayad ng COVID-19 test ng kanilang empleyado.

“You cannot compel the employer to spend for the testing. If they will require their employee to be tested before they report to work, then they have to shoulder the expense for the testing,” dagdag pa ng kalihim ng DOLE.

Kasabay nito, nilinaw ng DOLE na wala pang ‘hazard pay’ para sa mga empleyado ng private sector na nasa mga lugar na nasa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) at Community Quarantine (GCQ), at tanging sa public sector lamang ito pinatutupad sa ngayon.

Dagdag ng kalihim, prayoridad nilang protektahan ang mga empleyado kaya’t sa halip na tanggalin, inirekomenda nila sa mga kompanyang magpatupad ng ‘flexible work arrangement’, tulad ng pagbawas sa working days o rotation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?