25

Oct 15, 2020 @ 11:58
By

Kung ‘di pumasa sa bar, Duterte magnenegosyo sa droga

Kabisado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasikot-sikot sa negosyo ng illegal na droga kaya hindi niya sasantuhin ang mga sindikatong sumisira sa buhay ng mga Pilipino.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng Pangulo na naiintindihan niya ang negosyo ng pagbebenta sa illegal na droga dahil kung hindi aniya siya pumasa noon sa bar exam, pinag-aralan na niya kung paano magnegosyo nito.

“Kaya kuhang-kuha ko kayo. I mean yung lengguwahe ninyo pati yung talkaties n’yo sa loob, alam ko yan. Kasi kung hindi ako pumasa ng bar, nag-aral na rin ako noon para magnegosyo ng droga,” anang Pangulo.

Pero hindi aniya natuloy dahil naging abugado na ang Presidente.

Muling nagbanta ang Pangulo sa mga sangkot sa illegal na droga na papatayin ang mga ito kapag hindi tumigil sa kanilang illegal na gawain at patuloy na sinisira ang buhay ng mga Pilipino.

“Basta ako, pagka sinira mo ang Pilipinas, ang bayan ko, papatayin kita. Sinasabi ko sa inyo, kayong mga durugista, aabutin talaga kayo ng suwerte n’yo,” dagdag ng Pangulo.

Inihalintulad ng Presidente sa pagpapatiwakal ang sasapitin ng mga sangkot sa illegal na droga lalo na kapag nasukol ang mga ito ng mga otoridad.

“Hinihingi mo eh, para kang suicide. If you commit suicide, bakit ako ang mademanda? Ngayon kung papasok ka sa droga, gusto mo mag-suicide. Eh kung mabaril ka ng pulis dyan pati militar, bakit mo ako sisihin na gusto mo mag-suicide,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?