22

Jul 27, 2021 @ 14:36

Kung dati 1 buwan: Quarantine status papalitan kada 15 araw

Gagawin ng tuwing ika-15 araw ang pagpapalit ng quarantine classification sa bansa bunsod ng nakaambang panganib ng Delta COVID-19 variant.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinaaalam na ng Inter-Agency Task Force kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong sistema dahil kailangan ang mabilis na pagkilos laban sa posibleng pamiminsala ng Delta variant.

“Sinabihan na po ng IATF ang ating Presidente na ang ating classification will now be every 15 days, kasi we need to be able to move quickly kapag talagang sumipa ang kaso ng Delta variants. Kasi ganyan ang anyo ng Delta variants, bigla na lang sumisipa,” ani Roque.

Kada linggo na aniya ang gagawing monitoring ng mga eksperto para matukoy kung anong quarantine classification ang ibibigay sa bawat lugar  na mayroong kaso ng COVID-19.

“Kung dati ay nasasanay tayo na monthly ang ating quarantine classifications, ngayon po ay ginagawa nating at least every two weeks pero every week po mino-monitor natin,” dagdag ni Roque.

Kapag aniya tumaas ang kaso ng COVID dahil sa Delta variant ay hindi mangingimi ang gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na lockdown.

“We will not hesitate to impose stricter lockdown dahil alam naman natin yun lang po ang sagot at the same time though, we realized na what we are seeking or aiming for is the total health of the population, controlling the spread of the Delta variant at the same time preventing po,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?