43

Jul 22, 2021 @ 19:05
By

Kung ayaw ni Duterte: ICC walang magagawa sa ‘Pinas – Roque

Walang magagawa ang International Criminal Court (ICC) kung ayaw makipagtulungan ng gobyerno kaugnay sa ipinipilit na imbestigasyon sa anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumukwestiyon sa pag-withdraw ng Pilipinas sa Rome Statute ng ICC.

Ayon kay Roque, walang mekanismo na mag-oobliga kay Pangulong Duterte para makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

“Unfortunately, the lack of enforcement mechanism cannot compel the Philippines to cooperate when the president has clearly said we will not do so ” ani Roque.

Bagamat ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon, nakasaad sa desisyon na may obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC kahit pa bumitaw na ang gobyerno sa Rome Statute noong 2019.

Pinanindigan naman ng Palasyo ang posisyon ni Pangulong Duterte na hindi ito makikipagtulungan kahit pa ituloy ng ICC ang pag-imbestiga sa umano’y extra judicial killings sa bansa.

Matatandaang bago nagretiro sa puwesto si ICC Prosecutor Fatou Bensouda ay hiniling nito na ituloy ang pag-imbestiga sa umano’y extra judicial killings sa Pilipinas kaugnay sa war on drugs ni Pangulong Duterte na aniya ay crime against humanity.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?