2

Sep 16, 2020 @ 15:38
By

Kumpirmasyon ng appointment ng HUDCC chief binitin

Sinuspinde ng Commission on Appointments (CA) ang pagdinig sa ad interim appointment ni Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chief Eduardo Del Rosario.

Nagdesisyon ang mga miyembro ng CA Committee on Human Settlements and Urban Development na ipagpaliban ang kumpirmasyon ni Del Rosario para bigyang daan ang marami pang mga katunugan para sa kanya sa susunod na pagdinig.

Bago ito, inirekomenda ni Committee vice chair San Juan City Rep. Ronaldo Zamora na magsagawa ng pangalawang pagdinig dahil maraming mga kongresista ang gusto magtanong sa HUDCC chief.

“[The questions] involve pretty substantial issues not just on the tenure of the nominee as Task Force Bangon Marawi head but even in past incumbencies during the time of the Yolanda disaster, and of course we’d like to know exactly what his plans are in the department,” sabi ni Zamora.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ng mga mga mambabatas si Del Rosario hinggil sa update sa Marawi rehabilitation. Si Del Rosario ang pinuno Task Force Bangon Marawi.

Dahil kulang na ang oras, iminungkahi ni Zamora na ipagpaliban ang kumpirmasyon ni Del Rosario na sinang-ayunan naman ng mga miyembro ng panel.

Samantala, nakumpirma na sa CA ang appointment ng anim na Philippine ambassador.

Inaprubahan ng Committee on Foreign Affairs ang nominasyon nina Maria Amelita Cunanan Aquino, ambassador to Cambodia; Frank Revil Cimafranca, ambassador to Hungary na may concurrent jurisdiction sa Bosnia and Herzegovina, Bulgaria, Montenegro, Romania, Serbia at Moldova.

Lusot din sa CA ang sina Meynardo Los Baños Montealegre, ambassador to Vietnam; Giovanni Endencia Palec, ambassador to Cyprus; Macairog Sabiniano Alberto, ambassador to Israel; at Mohd. Noordin Pendosin Noor Lomondot, ambassador to Kuwait.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?