217

By

Kumpirmado! US visa ni Bato kanselado

Kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kanselado na ang kanyang US visa.

Sa kanyang text message sa mga reporter, sinabi ng dating Philippine National Police (PNP) chief na sumagot na ang US Embassy sa kanya at sinabing kanselado na ang kanyang visa.

“Yes (cancelled). They officially answered official query,” pagkumpirma ni Dela Rosa kahapon.

Bagama’t hindi naman sinabi ni Dela Rosa kung anong petsa kinansela ang kanyang visa, sinabihan naman siya ng US Embassy na maaari pa rin siyang mag-apply ng panibago.

“No date given. Basta mag-apply lang daw ako uli kasi the present visa was cancelled,” pahayag pa ni Dela Rosa.

Ang Abante Tonite at Politiko ang unang naglabas ng istorya hinggil sa pag-sanction sa kanya ng US dahil sa paglabag nito sa human rights o karapatang pantao.

Ang nasabing kanselasyon ng US visa ni Dela Rosa ay naging epektibo noong Mayo 2019.

Bahagi umano ito ng kapapasa pa lang na ARIA Law sa US o Asia Reassurance Initiative Act na nagbibigay ng $1.5 bilyon security assistance taon-taon sa mga kaalyado ng US sa Indo-Pacific region para i-promote ang kahalagahan ng democracy, human rights at rule of law.

Ang ARIA Law ay nagpapataw din ng sanction, kabilang ang targeted financial penalties at visa ban sa mga indibiduwal o entity na lumalabag sa karapatang pantao.

Samantala, sinabi naman ni Dela Rosa na nakahanda siyang samahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika sakaling pumayag ang Pangulo sa imbitasyon ni President Donald Trump sa imbitasyon nitong dumalo sa summit sa pagitan ng US at Association of Southeast Asian Nations (Asean).

Subalit hirit ni Dela Rosa, dapat umanong bawiin ng US ang pagkansela nito sa kanyang visa.

“Yes (sasamahan si Duterte sa US para dumalo sa US-Asean Summit). If they give me back my visa,” pahayag ng mambabatas sa kanyang text message sa mga reporter kahapon.

Iniimbitahan naman umano ang Pangulo ng isang Republican tulad ni Trump at hindi ng mga democrat senators na walang alam tungkol sa tunay na sitwasyon ng bansa.

“The more friends the better. He is being invited by a Republican US President not by those gullible democract US senators who knew nothing about the real situation in the Philippines,” sabi ni Dela Rosa.

“So I think it’s okay. Such act will show to the whole world that out independent foreign policy is real,” dagdag pa nito

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?