73

Nov 27, 2017 @ 14:39

Kumpetisyon sa telco industry, sagot sa mabagal na internet – Villanueva

Sinabi ni Senador Joel Villanueva na dapat magkaroon ng ‘bukas na kumpetisyon’ sa industriya ng telekomunikasyon upang tumaas ang pamumuhunan sa telco industry at magkaroon ng pagpipilian ang mga konsumer sa kasalukuyang mabagal at mahal na internet sa bansa.

Ayon kay Villanueva, layon nito na magkaroon ng mas maraming pagpipilian para sa mas magandang serbisyo ang mga konsumer.

Batay kasi sa Akamai’s Global State of the Internet report noong Mayo 2017, ang Pilipinas ang naitalang pinakamabagal na internet speed sa Asia Pacific sa average na 5.5 megabits per second (mbps). Mas mabagal pa sa global average internet connection speed na 7.2 mbps.

Aniya, dalawa lang umanong telco sa ngayon ang mapagpipilian ng mga konsumer — ang PLDT at Globe Telecom.

Payo rin nito na gawin nang public utility ang telecommunications sector.

Sa lumang Public Service Act o Commonwealth Act No. 146, hindi kasama ang telecommunications bilang public utility.

Sa kanyang Senate Bill No. 695, na nag-aamyenda sa lumang batas, sakaling maging public utility ang telecom industry, magbubukas ito ng kompetisyon at pamumuhunan at baka sakaling magpaunlad sa kasalukuyang estado ng internet sa bansa.

Kaugnay nito, noong nakaraang linggo inanunsiyo ng Palasyo na binigyan nila ng tiyansa ang China na maging ikatlong telco provider sa bansa.

Ayon sa senador, maganda umano ang hakbang na ito ngunit mas mainam na maging bukas umano sa kumpetisyon sa sektor ng telekomunikasyon at makapag-imbita pa ng iba na gustong mamuhunan sa naturang sektor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?