bir2
By

Kumpanya ng furniture sa Maynila, inireklamo ng tax evasion

Sharing is caring!

Isang kumpanya ng furniture na nakabase sa Sampaloc, Maynila ang inireklamo ng tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ).

Partikular na ipinagharap ng BIR ng patung-patong na reklamo ang B.R. Chua Enterprises Incorporated dahil sa hindi pagbabayad ng withholding tax on compensation mula January 1, 2012 hanggang August 31, 2017; hindi pagbabayad ng expanded withholding tax sa nasabi ring panahon at hindi pagbabayad ng value added tax mula January 1, 2012 hanggang December 31, 2016.

Kasama rin sa inireklamo ng paglabag sa National Internal Revenue Code ang presidente ng kumpanya na si Bonsuy Chua, at treasurer na si Arlene Chua.

Ayon sa BIR, nabigo ang mga respondent na makapagbayad ng buwis sa mismong araw kung kailan sila naghain ng tax return sa ilalim ng electronic filing and payment system.

Napadalhan umano ng kawanihan ang kumpanya ng collection notices, pero sa kabila nito, bigo pa ring makatalima sa kanilang obligasyon sa gobyerno ang mga respondent.

Aabot sa P16.62 million ang buwis na hinahabol ng BIR mula sa B.R. Chua Enterprises.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?