23
magdalo-gary-alejano
By

Kultura ng karahasan

Sharing is caring!

Bata pa ako noong panahon ng martial law at hindi ko pa lubusang batid ang mga nangyayari sa ating bansa.

Ang nalalaman ko lang ay ang mga babala ng aking mga magulang na hindi dapat ako lumalayo ng bahay na walang kasamang matanda at bawal nang lumabas ng bahay pagsapit ng dilim.

Yan ang patakaran sa aming tahanan maging ang mga iba pa sa aming komunidad. At dahil nakasanayan na, ang buong pagkakaalam ko ay yun na ang normal na sitwasyon – na ang bawat magulang ay laging nangangamba para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.

Pagkatapos ng EDSA Rebolusyon noong taong 1986 kung saan napatalsik ang rehimeng Marcos, unti-unti kong naintindihan kung ano ang pinanggagalingan ng takot ng aking mga magulang noong panahon ng martial law.

Sa pagbabalik ng kalayaan sa pamamahayag na dati’y sikil noong panahon ng martial law, ay unti-unting nabunyag sa mga tao at mga katulad kong noon ay bata pa ang mga pagmamalabis ng rehimeng Marcos.

Sa estimate ng Amnesty International, nasa 70,000 katao ang nakulong, 34,000 dito ay nakaranas ng torture, at 3,240 ang napatay sa pamamagitan ng EJK noong panahon ng martial law.

Talamak noon ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at nangunguna dito ang pamilyang Marcos na tinatayang nasa lima hanggang sampung bilyong dolyar ang kabuuang ninakaw.

Nalubog ang bansa sa pagkakautang na hanggang ngayon ay atin pa ring binabayaran. Ang martial law ay tinuturing na isa sa pinakamadilim na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, tila baga’t may pagkakahawig ang mga nangyayari ngayon sa mga nangyari noong 1972-1981.

Sa pamamagitan ng pagkakalat ng maling impormasyon ay kinukundisyon ang mga mamamayan na ang bansa ay nahaharap sa isang krisis sa ilegal na droga na wala nang ibang paraan para sugpuin ito kundi ang paggamit ng dahas. Libu-libo na ang napapatay bunsod ng war on drugs.

Nakakabahala na ang karahasan sa ating bansa at isa pang labis kong ikinababahala ay ang pagsuporta at pagtangkilik ng ilan nating mga kababayan maging ng ilang pulitiko at sa hanay ng kapulisan sa kultura ng karahasan.

Kaya ako po kasama ng aking mga kasamahan sa Magdalo Group, ay patuloy na maninindigan laban sa karahasan at pagmamalabis sa kapangyarihan. Umaasa akong hindi na tayo babalik sa punto na ang sambayanang Pilipino ay tuluyang masanay na mamuhay sa kultura ng karahasan at pagmamalabis ng mga nasa kapangyarihan sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?