45
magdalo-gary-alejano
By

Kultura ng karahasan

Sharing is caring!

Tuluyan nang umalagwa ang kultura ng karahasan sa ating bansa dahil sa kaliwa’t kanang pagpatay, hindi lamang sa mga ordinaryong mamamayan kundi pati rin sa mga halal na opisyal at mga miyembro ng Simbahan. Hindi maiiwasan tuloy na mag-alala at matakot ang publiko para sa kanilang seguridad sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Noong kampanya, ipinangako ni Pangulong Duterte na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay kanyang susugpuin ang kriminalidad sa bansa. Dalawang taon na ang nakalipas ngunit imbes na matupad ito ay lalong dumami ang patayan at iba’t ibang krimen. Higit kumulang 23,000 na ang napatay sa ilalim ng giyera kontra droga. Malaking porsyento naman sa mga biktimang ito ay kagagawan ng mga hired killers na mas kilala sa tawag na riding-in-tandem.

Sunod-sunod din ang mga high-profile killings tulad ng pagpatay kay Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, Batangas at Mayor Fernando Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija. Nakakaalarma ang mga ganitong pangyayari lalo pa at magkasunod at tila hiwalay na mga kaso.

Bakit nangyayari ang mga ganitong kaso? Dahil bihirang mahuli at hindi napapanagot ang mga salarin gayundin din ang mga nasa likod ng mga hired killings. Minsan pa nga ay kapag may sangkot na pulis sa pagpatay, tulad ng kaso ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., ay kinakanlong pa ng Pangulo.

Mismong Pangulo din ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng krimen tulad ng kanyang payo sa mga bise alkalde sa kanilang convention sa Bohol noong Hunyo 28. Si Duterte mismo ang nagbitaw ng mga salita na tila nag-uudyok sa mga bise alkalde na palitan ang kanilang mga alkalde sa pamamagitan ng pagpatay dito. Hindi na nakakapagtaka na umiiral na ang kultura ng karahasan sa ating bansa ngayon dahil mismong Pangulo ang naghihikayat nito. Imbes na si Duterte ang manguna sa pagtiyak na nasusunod ang rule of law, siya pa ang unang lumalabag.

Dapat paigtingin pa natin ang pagbabantay sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon. Hindi rin malayong istratehiya ng Pangulo ang mga karahasang nangyayari sa ngayon upang magkaroon ng dahilan na magdeklara ng state of emergency sa buong bansa o mas malala ay martial law. Nasaksihan na natin ang mga ganitong tangka sa nakalipas upang makontrol ang lahat ng mga ahensya at manatili sa kapangyarihaan. Nakita din natin kung anong takot at kaguluhan ang idinulot nito sa mga Filipino. Manatiling mapagmatyag at may pakialam sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?