27

Jun 12, 2020 @ 15:55

Kulang pa supply para sa COVID testing – Dizon

Hindi pa rin sapat ang testing kits ng gobyerno para masuri ang lahat ng mga Pilipinong posibleng mayroon coronavirus disease.

Ito ang inamin sa Laging Handa briefing ni Deputy Chief Implementer of the national policy against COVID-19 Vince Dizon.

Pero agad ikinatwiran ng opisyal na hindi lamang ang Pilipinas ang namumroblema sa supply ng testing kits kundi ng marami pang bansa sa mundo.

Wala aniyang nagma-manufacture ng testing kits at iba pang gamit na panlaban sa COVID sa bansa kaya kasama ang Pilipinas sa maraming bansang pumipila para makabili sa mga bansang nagma-manufacture nito .

“Ang supply ng testing kits ay napakalaking problema hindi lang para sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Isa ang bansa sa hindi gumagawa ng sarili nating kits, supplies and equipments kaya kasama tayo sa mga bansang pumipila sa mga bansang nagma-manufacture nito gaya ng South Korea, China, Singapore, Amerika at Europa,” ani Dizon.

Pero inaasahan aniyang darating na sa susunod na linggo ang bulto ng testing kits na binili ng Department of Budget and Managemet (DBM) para masigurongg hindi kakapusin sa supply ang gobyerno.

Ang DBM ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumili ng testing kits at Presonal Protective Equipments (PPEs) para sa mga health worker upang masigurong hindi mapunta sa masamang kamay ang pera ng bayan.

“Nag-commit na ang Department of Budget and Management na parating na ngayong weekend ang unang batch ng bulto nating order ng mga testing supply kaya sa mga susunod na linggo ay medyo magiging steady na ang supply natin,” dagdag ni Dizon.

Mahigit isang buwan na si Dizon sa kanyang bagong tungkulin na ang pangunahing mandato ay tumulong sa National Task Force on COVId-19 para sa testing, tracing at treatment ng mga tinamaan ng nabanggit na sakit.

Susunod na target aniya ng Task Force ay hanapin ang mga pasyenteng asymptomatic sa COVID-19 o yaong mga walang sintomas subalit carrier na pala ng mabagsik na coronavirus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?