78

Nov 30, 2020 @ 18:09
By

Kudeta sa Kamara tsismis lang – Defensor

Nilinaw ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na walang nangyayaring anumang kudeta ngayon sa Kamara.

“Wala namang nangyayaring ganyan sa kongreso ngayon,” sabi ni Defensor, sabay dagdag na may nababasa siyang mga istorya na ganun.

Paliwanag ni Defensor, posibleng sumama lang ang loob ng mga nawalan ng komite kaya’t lumutang ang mga nasabing usapin, pero ang malinaw ay hanggang tsismis lang umano iyun dahil lahat sila ay nagkakaisa na ngayon na isulong ang mga kailangan na batas lalo na at may kinahaharap pa na pandemya ang bansa.

Inamin din niya na nagkaroon ng mga konsultasyon sa mga liderato sa Kamara pero hindi ito loyalty support kundi paglilinaw lang sa direksyon na tatahakin ng Kamara sa ilalim ni House Speaker Lord Allan Velasco.

“Ang importante dito ay marami kaming gagawin na trabaho. Malaki ang pangangailangan ng bansa, bumagsak ang ekonomiya kaya’t kailangan na unahin na muna ito dahil meron pa tayong problema sa pandemya,” sabi pa nito.

Nakiusap naman siya sa mga kapwa mambabatas na unahin na muna ang mga kailangang batas kaysa ang pamumulitika.

“I hope wala nang anumang gulo. Wala na sanang away o tampuhan at trabaho lang ang gawin, ang bawat delay apektado ang bayan. Kailangan na magtrabaho muna. Kapag nagkakaproblema kailangan proteksyunan hindi ang pansariling interes, kundi ang buong institusyon ng kongreso,” dagdag ni Defensor.

Kabilang sa mga gustong maipasa ni Defensor ang Endo Bill. (Kiko Cueto)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?