679

Jan 11, 2020 @ 18:56
By

KTV bar na ginawang sex den sa Makati, kinandado na

Ipinasara na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Makati ang KTV bar sa isang hotel matapos maaresto ang dalawang Taiwanese national na nag-operate ng prostitution den sa lungsod.

Ayon sa Makati Business Permit and Licensing Office, isinilbi ang closure order matapos na lumabag ang may-ari ng bar sa anti-trafficking in person act at kawalan ng business permit dakong alas-11:00 ng umaga.

Bukod sa mga may-ari na sina Shih Fang Chen at Po Yi Chen ay inaresto rin ng mga pulis ang 15 na Chinese customer ng bar na pawang mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO at 11 na babaeng Pinay na mga empleyado ng bar.

Nauna nang sinalakay ng mga tauhan ng Makati City Police ang 101 KTV bar na matatagpuan sa SR Makati Palace Hotel sa Burgos St., Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, matagal nang nag-o-operate ang bar at nakatanggap lamang sila ng tip kaya ito sinalakay.

Samantala, ang 11 kababaihang Pinay na nasagip ay dinala na sa tanggapan mg Department of Social Welfare and Development.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?