665

Jul 7, 2018 @ 10:53
By

Kris sinasaktan nang patagilid si Vice

Binigyan ng magkabilang talim ng mga netizens ang mga papuring ibinigay ni Kris Aquino sa basketball player na si Terrence Romeo.

Nang humingi ng sorry ang basketbolista sa naganap na rambulan sa FIBA kung saan isa siya sa siyam na players na pinalabas sa hardcourt ay nakuha niya ang atensiyon ng aktres-TV host.

Ang komento ni Kris sa panghihingi ng paumanhin ni Terrence, “Ganyan ang pananaw ko sa buhay—pampamilya o kaibigan, lalong-lalo na sa gipitan, walang iwanan. You’ve been raised well by your parents. Nag-sorry­ ka, pero pinaintindi mo nang klaro ang paninindigan mo.”

Natural, ikinasaya ni Terrene Romeo ang post ni Kris, nagpasa­lamat ito sa aktres-TV host, kasunod ang pasasalamat sa suportang ibinibigay ni Kris sa G­ilas Pilipinas.

Masarap na pagkain para sa mga bashers ang pagpapalitan nila ng komento, kaya uma­riba na naman ang mga negatron, idinamay pa ng mga ito si Vice G­anda sa senaryo.

Naugnay ang pangalan ni Terrence Romeo kay Vice Ganda. Ito ang sinasabing tunay na pag-ibig ng sikat na komedyante-TV host. Hanggang ngayon daw kasi ay hindi pa rin nakapagmu-move on si Vice sa nakaraan nila ng sikat na basketball player.

Dating magkaibigang karnal naman sina Kris at Vice, “asawa ko” pa nga ang tawagan nila, pero mula nang mawala na si Kris sa ABS-CBN ay mukhang tumabang na ang kanilang pagkakaibigan.

Sa tanong nga kay Kris ilang araw pa lang ang nakararaan kung magkaibigan pa rin ba sila ni Vice Ganda ay makahulugan ang kanyang sagot, “I hope so….”

Ayon sa mga bashers ni Kris ay kinakaibigan lang daw niya ngayon si Terrene Romeo para pasakitan si Vice. Gusto lang daw niyang saktan nang patagilid ang komed­yanteng na-link nu’n kay Terrence.

Humanga lang si Kris Aquino sa paninindigan ni Terrence Romeo, pero ang dami-dami nang interpretasyon ng kuwento, nagsanga-sanga na ang istorya at binash na rin si Vice Ganda na wala raw pagpapahalaga sa salitang pagkakaibigan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?