126

Sep 12, 2019 @ 21:44
By

Kriminal, hindi puwedeng ituring na political refugee – Año kay Joma Sison

“Duwag ka Joma (Sison)! Sumisikip na ang mundo mo! Malapit na ang araw ng pagtutuos para sa mga kasalanang ginawa mo sa ating bansa at sa mga biktima ng Inopacan massacre!”

Ito ang banta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año laban kay exiled Communist Party of the Philippines (CPP) leader Joma Sison.

Ayon kay Año, dapat tigilan na ni Sison ang paghahalusinasyon sa pagsasabing protektado siya ng ‘self-imposed exile’ sa Netherlands at hindi siya maituturing na ‘political refugee.’

“Ang isang kriminal ay hindi kailanman puwedeng ituring na political refugee. Ang isang mass murderer ay hindi puwedeng maging refugee. Buking ka na, Joma, kaya panagutan mo ang mga kasalanan mong pagpatay sa mga kapwa mo Pilipino,” giit ni Año.

Aniya, wala nang rason pa para kanlungin ng Netherlands si Sison dahil ang Pilipinas at ang European Union mismo ay nagsasabing isang terrorist organization ang CPP na pinamumunuan ni Sison.

“Ang ibig sabihin si Sison ay isang terorista na hindi kailangan binibigyang proteksyon ng kahit sinumang gobyerno. Tinatrabaho na namin ang ekstradisyon niya,” ani Año.

Sinabi pa ni Año, hihingi sila ng special arrangement sa Dutch government para mapabalik sa bansa si Sison at panagutan ang kanyang mga kinakaharap na kaso.

Matatandaang si Sison at 37 iba pa ay ipinaaaresto ng hukuman kaugnay sa mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa masaker na naganap na Inopacan, Leyte noong 1985.

Si Sison at kanyang asawang si Juliet Sison, na subject rin ng naturang warrant of arrest, ay nag-self-exile sa The Netherlands may tatlong dekada na ang nakalilipas.

Naniniwala ang kalihim na patuloy pa ring nagbibigay ng utos si Sison sa “terrorist forces” sa bansa sa pamamagitan ng paglalathala ng kanyang mga pahayag na nag-aatas sa CPP at NPA na pumatay at mandambong sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?