51
cascolan1
May 25, 2018 @ 14:05
By

Krimen sa NCR, bumaba – Cascolan

Ipinagmalaki ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Camilo Cascolan ang natapyasang crime rate sa National Capital Region.

Sa isang forum sinabi ni Cascolan na mula nang manungkulan siya sa puwesto ay bumaba na ang kaso ng index crimes.

Sakop nito ang petsa ng Abril 16 hanggang Mayo 20, 2018.

Aniya, bumaba sa 1,255 ang mga krimen na kanilang naitala, mas mababa ito kung ikukumpara sa 1,678 na krimen sa kaparehong panahon ng nakalipas na taon.

Ang index crimes ay nakatuon sa walong krimen na kinabibilangan ng murder, homicide, rape, robbery, theft, physical injury, carnapping ng motor vehicle at carnapping ng mga motorsiko.

Batay naman sa rekord ng Weekly Average Crime Trend ng NCRPO Regional Investigation and Detective Management Division, lumalabas na ang average crime rate ay bumaba ng 29.29%.

Pinakamababa rito ang petsa ng Mayo 14 hanggang Mayo 20, 2018 kung saan naitala ang lowest average weekly crime rate simula nang pumasok ang administrasyong Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?