104

Jan 8, 2020 @ 20:04
By

Krimen bumaba dahil sa war on drugs – Eleazar

Ang malaking pagbaba ng crime rate sa bansa ay patunay na nanalo ang pamahalaang Duterte sa kampanya laban sa kriminalidad partikular sa war on drugs, ayon kay Philippine National Police (PNP) Directoral Staff Police Lt. General Guillermo Eleazar.

“This is clear proof that President Duterte’s drug war is winning. And we have been on the right path in the campaign against illegal drugs because the consistent decline in crime means continuous improvement in peace and order,” pahayag ni Eleazar.

Base sa datos ng PNP, mula nang ilunsad ang drug war noong Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2018, umaabot sa 21.5 porsiyento na ang ibinaba ng crime rate sa bansa kumpara sa crime rate data mula Hulyo 2014 hanggang Hunyo 2016.

Sa kabuuan ng 2018, mayroon umanong 9 na porsiyentong pagbaba sa crime rate volume kumpara noong 2017, mayroon ding average na 3 hanggang 5 porsiyentong pagbaba sa unang tatlong quarters ng 2019 saad pa sa datos.

Binigyang importansiya ni Eleazar ang datos sa lahat ng krimen gayundin sa iligal na droga sa Metro Manila dahil ito ang nagsisilbing pangunahing rehiyon ng bansa sa dami ng populasyon.

Lumalabas din sa datos na karamihang pinag-uugatan ng krimen ay may kinalaman sa iligal na droga.

Dagdag pa ni Eleazar, kadalasang ang mga naaresto o napapatay na drug user o pusher ay may patong-patong na kasong kriminal.

Mismong ang mga opisyal ng barangay na rin umano ang nagsasabi na naging matahimik ang kanilang komunidad dahil sa implementasyon ng drug war.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?