125

Oct 4, 2021 @ 20:01
By

Kredibilidad ni Krizel Mago masisira – Pimentel

Tiyak umanong masisira ang kredibilidad ni Krizle Grace Mago matapos nitong sabihing na-pressure siya para sagutin ang mga tanong ng mga senador kaugnay ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa overpriced na Covid-19 medical supply.

“Masisira yung credibility nya. Kung anuman ang sasabihin nya from now on medyo magdududa na tayo,” ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel.

Matatandaan na inamin ni Mago sa Senado na niloko umano ng kanyang kompanya, ang Pharmally Pharmaceutical Corp. ang gobyerno matapos nilang baguhin ang expiry date ng face shield ng kanilang dinala noon sa Department of health (DOH).

Sabi Pimentel, wala namang nag-pressure kay Mago dahil ginawa ang pagdinig sa pamamagitan ng virtual.

“Ibig sabihin n’un walang taga-Senado, o walang taga-Senate blue ribbon committee, o walang senador na nandon sa kwarto kung nasaan siya at mape-pressure ka dahil nakaharap mo ‘yung tao,” sabi ni Pimentel.

“Bakit, sino bang nandun na natakot ka, na nasa harap mo, nasa tabi mo? Wala naman eh. ‘Yung mga testimonies na hindi under duress, hindi under pressure, walang ka-pressure-pressure na tao physically,” dagdag pa nito.

Hindi rin kinagat ni Senadora Risa Hontiveros ang pahayag ni Mago na napilitan siyang umamin dahil na rin sa pressure ng pagtatanong ng mga senador.

“Let us remember that Ms. Mago was under oath when she was speaking before the Senate Blue Ribbon Committee hearing. Questions were only directed to her and she, in fact, answered forthrightly,” sabi ni Hontiveros.

“Kung mayroon mang nagpe-pressure sa kanya, yan siguro ay isang napakamakapangyarihang pwersa para lang bawiin ang kanyang mga naunang sinabi sa amin,” sambit pa nito.

Malinaw naman aniya sa transcript ng Senado na umamin siya na pinalitan niya ang expiry dates batay sa utos Mohit Dargani, ang secretary-treasurer ng Pharmally.

“Pressured response? It is sad that Ms. Mago feels this way. Telling the truth is a relief. The greatest pressure is to lie,” ani Hontiveros.

“Ngunit naniniwala akong lalabas at lalabas ang katotohanan. Sana lang, sa huli, manaig ang kanyang konsensya,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?